Thought the Harder, Heart the Keener
Kagagaling ko lang sa paglulunsad ng Thought the Harder, Heart the Keener: A Festschrift for Soledad S. Reyes na inedit nina Eduardo Jose E. Calasanz, Jonathan Chua at Rofel G. Brion. Dinaluhan ang pagtitipon ng ilang mahahalagang tao sa Panitikan: ang dalawang national artist na sina Bienvenido Lumbera (na isa sa mga nagbigay ng testimonya sa pinadaanan ni Ma’am Sol—simula noong “nagdadabog” pa umano ito kaugnay sa draft ng masteral thesis nito na hindi niya umano nagustuhan noong una hanggang sa maging isa na nga ito sa mga kinikilalang kritiko sa panitikan at kulturang popular) at Virgilio S. Almario (na nagdiwang ng kaarawan kahapon at nakalimutan kong batiin!); ang ilan sa mga nag-ambag sa festschrift gaya nina Ma. Luisa T. Reyes, Karina Bolasco, Michael M. Coroza, Jerry C. Respeto, Danton Remoto, Nicanor G. Tiongson; at iba pang mga bisitang manunulat gaya ng makatang sina Teo Antonio at Marne Kilates.
Hindi matatawaran ang ambag ni Soledad S. Reyes sa pag-aaral ng nobelang Tagalog. Kagaya ng sinabi ni Fr. Bienvenido F. Nebres, S.J. sa pabalat sa likod ng aklat na inilunsad, dinala ni Reyes sa kamalayan ng kasalukuyan ang tinig ng mahahalagang manunulat na gaya nina Macario Pineda, Lina Flor at Rosario de Guzman-Lingat “who would otherwise be buried by our preoccupation with the foreign and the forgetting of our native soul.”
Bagaman walang sanaysay sa aklat na nakatutok sa pag-aaral ng nobelang Tagalog, mahalaga pa rin ito sa mga mananaliksik sa nobela dahil sa komprehensibong bibliograpiya nito ng mga nalathalang akda ni Reyes simula 1969 hanggang 2008. Marami sa mga aklat at sanaysay ni Reyes ang nakatuon sa nobelang Tagalog, at ilan din ang nakatuon sa mga ispesipikong manunulat gaya nina Pineda, Dominador Mirasol, Agustin C. Fabian, Fausto Galauran, Iñigo Ed. Regalado, Lualhati Bautista, Genoveva Edroza Matute, De Guzman-Lingat, Elena M. Patron, Rosario Ladia Jose, Isabelo de los Reyes, Ave Perez Jacob at Precioso Palma.
(Dahil sa napapabalitang pagsasara ng ORP upang maging bahagi ng ADMU Press, isa ito sa mga huling aklat na ililimbag ng ORP ngayong taon. Bukod dito, ilalathala rin ng ORP ang dalawang volume ng antolohiya ng mga akdang nasulat namin sa Boracay bilang bahagi ng dalawang linggong writer’s retreat/vacation noong 2005 at 2006. Ilalathala sa mga iyon ang ilang sipi/tagpo mula sa nobela kong Walong Diwata ng Pagkahulog na nakalunan sa Boracay.)

magpost naman kayo ng mga akdang pampanitikan ng ibang bansa nanakasalin sa Filipino