The Politics of Fantasy in “Ang Ginto sa Makiling”
Here is the paper I presented in our MP 303 class yesterday under Dr. Bienvenido Lumbera. (He asked us to read Macario Pineda’s Ang Ginto sa Makiling (1947) and write a political context paper on the novel.)
ANG POLITIKA NG PANTASYA SA ANG GINTO SA MAKILING
Edgar Calabia Samar
“The most authentic vocation of romance in our time would [be]… to express that ideology of desacralization by which modern thinkers… have sought to convey their sense of the radical impoverishment and constriction of modern life. So the great expressions of the modern fantastic, the last unrecognizable avatars of romance as a mode, draw their magical power from an unsentimental loyalty to those henceforth abandoned clearings across which higher and lower worlds once passed.” — Frederic Jameson, The Political Unconscious
DAHIL SA SAKIT, maagang pumanaw sa edad na 38 si Macario Pineda noong Agosto 2, 1950. Nakapagsulat siya ng walong nobela at anim sa mga ito ay nalathala noong nabubuhay pa siya, kabilang ang ikalawa niyang nobela, Ang Ginto sa Makiling, na inilathala sa Aliwan noong 1947. Bago ito, nakapagsulat na siya ng mga kuwento sa Ingles bago nga siya tumutok sa pagsusulat sa Tagalog simula noong 1943.
Sinabi ni Soledad S. Reyes (1971) sa kaniyang masteral tesis ukol sa mga katha ni Pineda na “bagaman maigting ang pagmamalay sa pangingibabaw ng Ingles sa pagsulat ng panitikan [noon], pinili pa rin ni Macario Pineda na isulat ang kaniyang mga akda sa wikang ginagamit at nauunawaan ng kaniyang mga kababayan.” Gayumpaman, kinikilala pa rin ni Reyes na may posibilidad ng tagisan sa pagitan ng diwang makabayan at ng pangangailangang praktikal sa gitna ng ganitong pasya. Alalahanin na simula sa pagpasok ng digmaan noong 1941, mas maraming magasin na mapaglalathalaan sa Tagalog kaysa sa Ingles, at hindi iilang manunulat sa Ingles ang nagsimulang magsulat sa Tagalog. Pagsusulat ang pangunahing ikinabubuhay ni Pineda, at kumikita umano siya ng isang libong piso para sa bawat nobela at animnapung piso para sa bawat maikling kuwento. Samantala, kailangan ding banggitin na sa gitna nito’y sumali siya sa propaganda corp ng mga gerilya at kinilala bilang beterano pagkatapos ng digmaan.
Sa pambungad nina Francis Macansantos at Priscilla Macansantos sa kanilang sarbey ng mga akdang pampanitikan sa Pilipinas na nalimbag pagkatapos ng digmaan, agad nilang kinilala na nangunguna ang Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda. Sa kabila ito ng laksa-laksang nobela na nalathala sa mga unang taon pagkatapos ng digmaan. Sa silid-aklatan lamang ng Pamantasang Ateneo de Manila, halimbawa, matatagpuan ang mahigit sandaang iba pang nobelang inilathala sa pagitan lamang ng mga taong 1945 at 1947, kalimitan ay ng Palimbagang Tagumpay na siya ring unang naglatha sa Ang Ginto sa Makiling noong 1947. Kabilang sa mga manunulat na naglathala rin ng nobela noong 1947 sina Faustino S. Aguilar, C. Galvez Almario, Liwayway A. Arceo, Nemesio E. Caravana, Florentino T. Collantes, Ruperto S. Cristobal, Susana C. De Guzman, Jesus S. Esguerra, Catalino V. Flores, Hilaria Labog, Adriano P. Laudico, Juan Rivera Lazaro, Patricio Geronimo Mariano, Hernando R. Ocampo, Carlos Padilla, Aurea Jimenez Santiago, Alfonso Sujeco, at R.S. Teodoro. Maliban sa Ang Ginto sa Makiling, inilathala rin ni Pineda ang Halina sa Ating Bukas noong 1947.
Napahalagahan nina Macansantos si Pineda dahil iniugat umano nito sa “moda ng pantasyang romantiko” ang Ang Ginto sa Makiling, katangiang tinaglay umano ng ating mga awit, korido at komedya sa tradisyon ni Balagtas. Sa kabila nito, binigyan nila ng diin na ito ay “naratibong simbolikal na may halagang sosyal, moral at politikal” (akin ang diin). Kinilala ni Reyes (2007) ang tatlong “ginto sa Makiling” nobela ni Pineda: una ang mga literal na piraso ng ginto na matatagpuan sa Paraiso ng Makiling, ikalawa ang mga “kakanggata ng ating lahi” na nananahananan na noon sa Makiling, at ikatlo ang mga henerasyon umano ng Filipino “na gagamitin ang kanilang pinag-aralan upang maampat ang pagdudusa ng mga kababayan.” Kung aalalahanin na sinulat nga ito Pineda sa mga unang taon ng pagbangon ng Pilipinas pagkatapos ng digmaan, mauunawaan ang ideyalismong inaasahan mula sa mga mamamayang magbabangon sa bansa.
Kumpara sa realismong panlipunan sa mga nobela ng tulad nina Lazaro Francisco at Amado V. Hernandez, tinataya nina Macansantos na nagkaroon ng higit na datíng sa mga mambabasa ang Ang Ginto sa Makiling dahil nakaugat ito sa pandama- at paniniwalang-bayan. Sinabi naman ni Anacleto I. Dizon na maaaring malaki ang papel ng paghawak ni Pineda sa Tagalog, sapagkat “[a]ng kagandahan ng kanyang lengguwehe ay bihirang matagpuan sa lahat ng manunulat sa daigdig, sapagkat iyon ay nasa kasimplehan.” Balintunang naisakatuparan niya ito sa pamamagitan ng pagsisikap niyang “muling magamit ang mga salitang malaon nang nawala sa bokabularyo ng mga taga-Bulacan noon pa mang ikalimang dekada.” (Reyes, 1990) Ayon sa panayam ni Reyes sa nabalo ni Pineda, sinasadya umano ni Pineda ang matatanda sa Bigaa upang magtanong ukol sa ilang mga salita na siyang aangkop sa ibig niyang ipahiwatig. Pansinin na mula sa mga punang ito makikita ang politika sa pagtatangka ni Pineda na ibalik ang tradisyong bayan sa panitikan: ang ituring na estetiko ang popular, na muling iugat sa panlasa ng mga mamamayan ang kasiningan.
Gayumpaman, halos lahat ng mga nabanggit na pag-aaral kay Pineda at sa Ang Ginto sa Makiling ay nagtutuon sa poetika at estetika ng akda. Si Reyes nga halimbawa, kahit sa kaniyang mga kasunod na paghahalaga kay Pineda, ay nagtuon sa mga tema at pamamaraan ng pagkukuwento ni Pineda. Si Dizon naman ay sa bisa ng wika at karakterisasyon sa mga akda ni Pineda. Hindi gaanong napagtuunan ng pansin ang kontextong politikal sa kaniyang mga pag-akda. May pahapyaw lamang pagbanggit si Dizon sa bisa ng paggamit sa mitolohiya at arketipo sa pamamagitan ng larawan ni Mariang Makiling, na mainam sanang naisulong. Mabisa ang paggamit aniya sa diwata ng Makiling,
“[s]apagkat ang alamat ng isang lahi ay kinaiimbakan ng natatagong kamalayan ng sambayan, masisinag dito ang nakakubling minang kaugalian at kabihasnang napalangkap at natakpan na ng mga kabaguhang umiiral sa kasalukuyang panahon. Sa pamamagitan ng pamamaraang mitolohiko ay nagsasiyentipiko o sosyologo si Macario Pineda sa kanyang Ginto sa Makiling upang ipaliwanag sa ating mga ninuno na nakaimbak sa ating kamalayan dandantaon na ang nakalilipas.”
Mainam sana kung naiugnay ni Dizon ang paggamit ni Pineda kay Mariang Makiling bilang impluwensiya sa nauna nang politisasyon ni Rizal sa larawan ng diwata nang una niyang isatitik sa dulo ng siglo 19 ang laganap na noong naratibo nito. Alalahanin na nang gumawa ng sariling bersiyon ng kuwento Mariang Makiling si Rizal, nailathala na ang Noli Me Tangere at kasalukuyan niyang tinatapos ang El Filibusterismo. Sa bersiyon ni Rizal, malinaw ang paggigiit ng mga komentaryong panlipunan ukol sa usapin ng lupa at pang-aabusong politikal. Bukod dito, hayag din na bahagi ito ng malawakang propagandang isinasagawa ng mga Filipino noon sa Espanya upang isalba ang kulturang katutubo sa gitna ng namamayaning Hispanisasyon. At ayon nga kay Resil B. Mojares sa kaniyang sanaysay na “Waiting for Mariang Makiling,” “[t]he notion of lost reciprocities in the Mariang Makilang legend was a major chord in a nationalist discourse… [and] Rizal’s nostalgic evocation of the legend is written into this larger political narrative.”
Malinaw na isa sa mga nililingon ni Pineda ang nobela ni Rizal, lalo pa at nang banggitin niya na isa sa mga nananahan sa Bundok Makiling ang mag-inang Sisa at Crispin, ang mga pinaslang ng kasawian sa kolonyalismong Kastila na para bang hindi pa sapat ang naging pagturing sa kanila bilang baliw at kriminal. Makikita rito na hindi “surface mining” lamang ang ginagawa ni Pineda, di gaya ng madalas mangyari sa ibang texto na bunga ng “lack of appreciation for the integrity and complexity of folklore” (Mojares 2002). Sa nobela ni Pineda, sadyang nililinang ang implikasyong politikal ng imahen na nakabaon sa di-malay ng bayan. Kailangang ipagpalagay na dahil kay Rizal, may malay si Pineda sa alingawngaw na maaaring likhain ng paggamit kay Mariang Makiling bilang textong kilala ng bayan.
Sa pagtalakay sa mga teknik ni Pineda sa nobela, binabanggit ang ideyalisasyon ng pagtatangkang kumatha ng Utopia o Paraiso, subalit hindi tinalakay ang papel ng pantasya at kababalaghan upang magsulong ng politika. Mahalaga ito sapagkat matatagpuan ang elementong ito sa mga katutubong epiko, alamat at kuwentong bayan na malinaw na pinaghahanguan ni Pineda, gaya ng sinabi ni Dizon. Huwag nang sabihin pa na hindi ito nalalayo sa istratehiya ng marvelous realism na kinasangkapan naman ng mga manunulat sa Timog Amerika upang ipakilala ang kanilang uri ng tuligsa sa kolonisasyon at neokolonyalismo. At ayon nga kay Gabriel Garcia Marquez, para sa kanila’y hindi ito kamangha-mangha sapagkat likha lamang ng guniguni. Madalas na ang pagturing sa mga ito bilang pantasya o kababalaghan ay nagmumula sa imposisyon ng inaasahan sa isang “realidad” na nagmumula sa labas. Kaya naman, ibinulalas niya matapos tanggapin ang Nobel noong 1982 na, “[t]he interpretation of our reality through patterns not our own, serves only to make us ever more unknown, ever less free, ever more solitary.” Sa kaso natin, kailangang tingnan na matagal nang kinikilala ng mga mamamayan ang Makiling, gaya ng iba pang bundok sa Pilipinas, bilang sagradong sentro ng isang bayang “emergent.” (Mojares) Para sa bayan, higit na kamangha-mangha kung hindi ito ituturing bilang kamangha-mangha.
Subalit ano nga ba ang pagturing at bisa ng mahika sa loob ng naratibo ni Pineda? Hindi kagaya sa mga koridong tulad ng Ibong Adarna na may malinaw na tagisan ng majica blanca at negra, sa nobela’y may isang uri lamang ng mahika—at iyon ay ang mahika ng Makiling. Pansinin na ang kasalukuyan sa nobela (1947) ay isang panahong mabuway ang relasyon ng mga tauhan sa mahikang ito: may mga naniniwala gaya ng mamamahayag na siya ring tagapagsalaysay; may hindi naniniwala gaya ni Bato na kasamahang mamamahayag ng tagapagsalaysay na pinagtatawanan ang liham ni Esteban Reyes sa posibilidad na si Mariang Makiling ang dahilan ng pagkawala ng isang matandang babae sa Bulacan; at may walang pakialam, gaya ni Danding Del Mundo na siyang patnugot ng lathalain ng Ramon Roces na pinagsusulatan ng tagapagsalaysay. Nagiging mahalaga rin kung gayon na sa Maynila ito maganap upang itanghal ang lungsod bilang ultimong sityo ng kawalang-katiyakan, ng pag-aalinlangan sa harap ng mga hindi nito maipaliwanag o pinipiling hindi ipaliwanag. At mula rito, inililimbag ang mga pahayagan bilang sityo ng diskurso—upang ipahayag na ang anumang mahika at kamangha-mangha ay hindi kinakailangang totoo, basta’t mapag-uusapan.
Sa harap nito, mahalagang alalahanin ang paalala ni Mojares na “folklore can serve contradictory interests—the legitimation of a dominant social order or its demystification and subversion.” Sa harap ng pantasya lalong nagiging kritikal na usapin ang realismo bilang moda ng representasyon na lubhang nabigyan ng pagkiling sa itinuturing na pambansang panitikan. Sa isang sanaysay, tinalakay ni Roland Tolentino ang halaga ng perspektibo bilang siyang “pinagmumulan ng realismo o ang estetika ng pag-unawa sa mundo ng naratibo” na kakawing naman ng demokratikong nasyonalismong ibinubunga ng pesimismo sa realidad. Pansinin na sa nobela, may pagkukuwadro ng naratibo sa pamamagitan ng isang tagapagsalaysay na pinagsasalaysayan din lamang ng isang matanda (si Tata Doro) na siyang talagang saksi sa mga pangyayari. Sa loob ng salaysay ni Tata Doro, ipapahayag ang pagpapatong-patong pa ng pagsasalaysay ng ilang pantastikong detalye sa pamamagitan ng pagkukuwento niya sa ilang mga ikinuwento rin lamang sapagkat hindi niya nasaksihan—gaya ng talagang nangyari kay Edong nang mahulog ito sa bangin, o ng nangyari kay Sebio nang sinundan niya ang inakalang tinig ni Edong at pagkatapos ay humahangos na nagbalik na animo’y nabaliw. At paano nga tatayain ang hanggahan ng kamalayang musmos ni Doro (anim na taon siya noon) na siyang pinaghuhugutan ng pag-alala sa kasalukuyan ng naratibo (apatnapu’t anim na taon na siya).
Samantala, kung titingnan ang padron ng karanasan ng isang bayani, makikitang agad-agad na problematiko ang pagpoposisyon kay Edong bilang bayaning epiko. Totoong umalis din siya sa simula, subalit upang gawin ang kanyang trabaho na tungkuling pang-ekonomiya niya sa pamilya at hindi sa bayan. At kahit sa harap ng ganitong padron, walang hayag na kritika sa kapitalismo ang katauhan niya. Kuntento siya sa kaniyang trabaho, mabuti ang pakikitungo sa kaniya ni Ba Tomas na siyang may-ari ng bigasan. Wala ang pesimismong sinasabi ni Roland Tolentino na mahalagang naging katangian ng kinilalang pambansang panitikan.
Walang digmaang naghihintay sa kaniyang pakikipagsapalaran—at kung mayroon mang tunggalian, ito’y higit na eksistensiyal at hindi materyal—ang pagpipilit na makuha ang dapo para sa iniibig na si Sanang at ang pagliligtas sa inakay na naging dahilan ng pagkakahulog niya sa bangin. Pagkatapos noon, sasabihin sa kaniya ni Mariang Makiling na nagawa na niya ang kaniyang pananagutan sa daigdig. Wala ang ringal ng pakikihamok ng isang bayani sa epiko. Bukod dito, pinili pa niya ang katiwasayan sa Makiling, na maaaring tingnan bilang pagtakas sa mga suliranin at kasawian sa daigdig na ibig na niyang talikuran basta’t kasama si Sanang. Sa malaking bahagi ng nobela, wala na ngang pisikal na presensiya si Edong. Pantasya na rin maging ang pagmamasid niya kay Sanang at pagliligtas dito nang pagtangkaan ng binatang taga-Santol, pantasyang naipapahatid na lamang sa pamamagitan ng patotoo ng itinuturing na baliw sa bayan, si Nanong Balabal. Sa ganitong ebalwasyon nagmumukhang si Edong ang ganap na kataliwas ng ayon kay Tolentino’y buháy na karanasan na siyang inaasahang “extensyon ng produksyon ng pagsasakatuparan ng pinakaasam na katarungan sa lipunan.”
Gayumpaman, kailangan ngang kilalanin din na hindi ganoon kasimple ang ebalwasyon sa pagkakabuo sa katauhan ni Edong dahil mayroon ngang pangako na iiwan din niya ang Utopia ng Makiling balang-araw upang kaharapin ang hamon ng daigdig kasama ang mga bayani ng lahi. Kung kailan, hindi tiyak si Tata Doro bagaman inaasam niyang ito’y ngayon na. Sa bandang huli, lalaging magiging suliranin ang isang politika na nakaangkla sa pagpapaliban o walang-humpay na pagtanaw lamang sa hinaharap o sa darating samantalang may kasalukuyan na kailangang bunuin. Ito marahil ang pinaghuhugutan ng malalim na buntong-hininga ni Tata Doro sa katapusan ng nobela, kasabay ng isang dalangin sa pagbubukas sa wakas ng mina ng ginto sa Makiling.

[...] Calabia Samar, “Ang Politika ng Pantasya sa Ang Ginto sa [...]
I plan to put your paper/post as an external link to an article in WIkipilipinas. I hope it’s alright.