Bayang Malaya

 

B-008 of 125:
Bayang Malaya (1969)
ni Amado V. Hernandez

This book of narrative poetry by Amado V. Hernandez is another required reading for our MP 303 class under Dr. Bienvenido Lumbera. We were asked to write an ideological context paper on the book. Here is what I read in our meeting last Saturday:

ANG BISA NG SALITA SA IDEOLOHIYA
NG “BAYANG MALAYA” NI AMADO V. HERNANDEZ

Edgar Calabia Samar

SA BAYANG MALAYA: Tulang Kasaysayan (1969) ni Amado V. Hernandez, inaakda ang isang buong ideolohiya—o ang katipunan ng mga ideya na tumatanaw sa daigdig sa isang partikular na paraan, na laging tungo sa posibilidad na ideyal. Maaari kung gayong sabihin na ang anumang ideolohiya ay ideya ng isang ideyal para sa isang lipunan. Ganito, sa isang banda ang tinatalunton ng pagpapakahulugan ni Raymond Williams sa “ideolohiya” sa aklat niyang Keywords: A Vocabulary of Culture and History (1976), samantalang kinakatha niya ang dinaglat na kasaysayan ng naturang termino bilang isang salita at sagisag—mula sa pagbigkas umano rito ni Destutt de Tracy noong 1796 bilang “pilosopiya ng isipan” hanggang sa salimuot ng kasalukuyang diskurso na ginagalawan nito. Sang-ayon naman sa paghahalayhay ni Terry Eagleton sa aklat niyang Ideology: An Introduction (1991), mapupuna ang naging trajectory ng pagtanggap sa implikasyon ng salitang ito bilang positibo at negatibo, batay na rin na namamayaning ideyolohiya ng bawat panahon, o sa posisyon ng indibidwal na kamalayang nagtatasa sa kapangyarihan at hanggahan ng mismong “ideyolohiya.” Kung tutuusin, nagmula pa kay Marx, na isa sa mga pangunahing pinaghahanguan ng mga kritikong nabanggit sa itaas, ang talaban ng mga pagpapakahulugang ito sa “ideyolohiya”: sa isang banda, maaari itong ituring bilang kamalayang lihis o isa nga lamang ilusyon; sa kabilang banda, maaari din naman itong tingnan bilang kamalayan sa mga tunggalian sa lipunan at ang mismong pagtatangkang labanan ito. Kahit si Amado V. Hernandez mismo bilang indibidwal, sang-ayon sa kritikong si Alice Guillermo, ay “pinag-aagawan ng mga magkakaiba o magkakasalungat na puwersang pampulitika at pang-ideolohiya.” Sa harap ng iba’t ibang posibilidad ng interpretasyon sa kaniyang mga texto (at sa kaniya bilang texto), nauuwi sa kontestasyon ng mga nagsasalungatang ideolohiya kahit ang pagbasa sa kaniya.

Sa pagtatasa kung gayon sa kontextong ideolohikal ng Bayang Malaya, mahalagang pansinin na kumatha si Hernandez ng mga tauhan—gaya nina Tala, Magtanggol, Lantay at Dupil—na paulit-ulit na bumibigkas sa mga salitang malamang na iniinugan ng kontextong ideyolohikal ng kaniyang bisyon: kalayaan, katarungan, pagkakapantay-pantay, katuwiran, demokrasya. Kagaya ng iba pang mga kaisipan, sa pamamagitan nga lamang ng salita naitutulay ng panitikan ang ubod at puwersa ng isang partikular na ideoolohiya.

Sa kamalayan ng akda ni Hernandez, halos iisa ang kahulugan ng iba’t ibang salitang ito: lahat ay umuuwi sa “ideya ng ideyal,” subalit hindi na lamang basta para sa kahit na anong lipunan, kundi para sa kinikilalang bayan. Sa salaysay, nagsisimula ito sa Pinagbangunan kung saan itinatanghal ang kadakilaan ng buhay sa nayon kakabit ng pagiging maralita. Sa puntong ito, nagiging kaduda-duda ang tila-romantisasyon ng pamumuhay at paggawa sa lunan na ito (bilang “Utopya” na nga), sa kabila ng paninikil at pananamantala ng mga asenderong gaya nina Kabisang Laki, kung hindi aalalahanin na noon pa ma’y binabagabag na ng sistemang amo-kasama si Magtanggol: “Ang puhunan ninyo ay tanging ang bukid,/ ang aming puhuna’y hirap, dugo’t pawis.” Lumilinaw na nagiging mahalaga lamang ang mala-paraisong paglalarawan sa Pinagbangunan sa gitna ng pananamantala upang magkaroon ito ng alingawngaw sa pagtahak ng naratibo sa iba pang lokasyon, ang Pugad na siya namang pagmumulan ng pagbabago ni Lantay, isang dating “star reporter,” upang maging si Limbas, ang “mahiwagang mandirigma at tagapagligtas ng bayan.” 

Pansinin na sa dalawang lokasyon, ang Pinagbangunan at Pugad, ang mukha ng ideyal ay ideyal sapagkat huwaran at minimithi ng bayan, hindi dahil panaginip na imposibleng makamit. Si Lantay, nang ikulong pagkatapos ng digmaan sa kabila ng kaniyang naging pakikipaglaban sa mga Hapones, ay ayaw tumakas sa bilangguan at nananalig sa mga kinakatawan ng ideyal na ito, ang mismong ideyal na ihihimutok ni Dupil bilang siyang dahilan kung bakit kaydaming “bayaning nasawi!” Kung gayon, ang ideolohiya bilang ideya ng ideyal para sa lipunan ang pananalig na nagtutulak sa tao para gawin at hindi gawin ang isang bagay.

Alalahanin na may iba’t ibang diin ang ideyolohiya—maaaring politikal, panlipunan, etikal. May natatanging pagkiling si Hernandez sa Bayang Malaya sa isang uri ng ideyolohiyang politikal na naunang lumitaw sa dulo ng ikalabinsiyam na siglo—ang ideyolohiyang sosyo-demokratiko. Tiwalag na ito sa tradisyonal na Marxismo na ibig ng ganap na pagbabagong-panlipunan at siyang iminumungkahi ni Dupil sa kanilang pagbaba mula sa bundok nang ideklarang tapos na ang digmaan. Naniniwala si Lantay (Limbas) na maaaring magkaroon ng demokratikong reporma sa loob mismo ng kapitalismo. Kahit nakabilanggo na, sa liham niya kay Tala, sinabi ni Lantay na bahagi ng “buháy at malusog” na demokrasya ang “magkasalungatan ng kuro at loob,” subalit kailangang tungo iyon sa pagnanasa ng pagkakapantay at hindi lason lamang ng kapangyarihan.

Kagaya ng binanggit na, may ideyolohiyang namamayani na pinapalaganap ng naghaharing uri sa pagpapatatag ng status quo. Nakakahawig ng konsepto ng “hegemony” ni Antonio Gramsci ang pangingibabaw nitong tinatawag din bilang “ideolohiyang bourgeois.” Kinilala rin ito ni Hernandez sa kaniyang akda. Sa pamamayani ng ganitong uli ng ideolohiya, binibigyang-puna ni Hernandez na rito, ang “unang sinusugpo’y lider ng kilusan/ at di sinusugpo ang kung ano-anong mga kabulukan.”

Sa kabilang panig, ang anumang pagtatangkang lumaban sa kalakaran, kung ito ay ipinagpapalakay na mapanikil, ay itinuturing namang ideyolohiyang radikal. Malinaw na rito nabibilang ang kontexto ng akda ni Hernandez. Anumang pagtatangkang lumaban sa namamayaning kalakaran ay hindi maiiwasang pangunahing magmula sa uring api o walang-napapakinabang sa status quo, sa kapitalistang oryentasyon ng ekonomiya, ito ang mga manggagawa. Kaya naman tinatawag itong “ideolohiyang proletaryo.” Sa katotohanan halimbawa ng digmaan, ang “baliw na sosyedad” ang sinisisi ng Ermitanyong nagpagaling kay Lantay, sapagkat sa kapitalismo nga’y “manghuthot ang unang tuntunin ng lungsod.” Pansinin na ang piyudalismong kinakabaka sa nayon ay binibihisan lamang ng kapitalismo ng lungsod, subalit kasing-mapanikil.

Malinaw ang determinasyon ng uri rito, sapagkat para kay Hernandez, ang kalayaan ay “mananatiling isang malikmata/ habang nahahati/ ang tao’t lipunan parang aso’t pusa/ ngatngatang palagi/ ang uring mayaman at uring kawawa.” Sa kontexto ng ganitong ideolohiya kung saan hinahanap ang kalayaan, natatangi ang espasyo ng “bilangguan.” Kung walang kalayaan sa labas ng kulungan, ano nga ang magiging bisa ng piitan? Para kay Lantay, “sa puso/ at diwang nasanla sa mithi ng bayan,/ ang pagkabilanggo/ ay gaya ng apoy sa pandaying bakal.” Kaya’t ang buhay niya ay kuwento rin ng mga pagkapiit, kung panong ito rin umano ang pinagdaanan ng bayan sa kamay ng mga Kastila, Amerikano at Hapones. Subalit matatagpuan sa dulo ng liham ni Lantay kay Tala, na hindi niya dinaramdam ang pagkapiit sapagkat “kung may katarungan at may demokrasya,/ mapapatunayang ako’y walang sala.” Ang pagkakapiit sa kaniya kung gayon ay di-tuwiran niyang pagpapahayag na walang katarungan at demokrasya sapagkat naisakdal na nga siya upang ipiit.

Kaya naman, sa kabila ng pansamantalang pagpapaubaya sa tunguhing sosyo-demokratiko, hindi binitiwan ni Hernandez nang ganap ang bisyong rebolusyonaryo o mapanghimagsik. Kinilala ito ni Lumbera nang sinabi niyang “namulat [si Hernandez] sa realidad na ang tunay na pagbabago ay mangyayari lamang kapag may pag-agaw ng kapangyarihan sa naghaharing uri.” Sa huling liham ni Dupil kay Lantay na nananatiling nakabilanggo, ipinaalala niyang nagkatotoo ang kaniyang haka na mauulit “ang dating istorya” kung saan ang mga nagtanggol sa bayan ay nakapiit at inuusig, samantalang itinatanghal na bayani ang mga namumunong wala namang ginawa noong panahon ng paglaban para sa kalayaan. Naunawaan na ito ni Lantay, kaya’t sa isip niya, alam niyang “kahit siya ay nakabilanggo,/ ang bunying kilusa’y hindi mahihinto.” Matindi ang pangitain ni Lantay sa wakas ng naratibo: bilanggo siya subalit hindi gaya ni Elias na hindi na inabutan ng pagsikat ng araw, natanaw niya ito mula sa pagitan ng mga rehas sa kaniyang munting bintana at “nakitang may dugong sariwa;/ anaki’y namalas/ na akay ni Dupil ang bayang malaya.”

~ by ecsamar on February 21, 2008.

2 Responses to “Bayang Malaya”

  1. Naalala ko ang 1984 ni George Orwell. Wala lang, naalala ko lang.

  2. meron pa ba?

Leave a Reply