A Portrait of the Artist as Filipino
![]()

Malang, Pink Heart
I read Nick Joaquin’s “A Portrait of the Artist as Filipino” as part of our MP 303 requirements under Doc Bien Lumbera. We were asked to write a paper on its sociological context. I am not including this text in my 125 Books in 2008 list, because the edition I read was just part of a collection, Tropical Baroque, published by National Bookstore in 1976, which I don’t intend to finish (though I also read the other play, “Tatarin”) because in our class discussion earlier, I realized that the play’s version in that book was somewhat abridged; several characters like Elsa and Pete were not included. I was very disappointed; I missed about 30% of the complete version. Anyway, I’m posting here the paper I wrote and read in class.
A N G D E S E N S I Y A N G P A M U M U H A Y
S A S I Y U D A D N G M G A D A G A
NAKAAMBA ANG DIGMAAN nang Oktubreng iyon sa Maynila, na siyang tagpuan ng dulang A Portrait of the Artist as Filipino ni Nick Joaquin. Larawan na ng isang nabubulok na lungsod ang Maynila, na dat’y isang sityo ng kosmopolitanismo na tagpuan noon ng mga tao mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Metonomiya ng lungsod ang tahanan ng mga Marasigan na siyang pinagtatampukan ng aksiyon ng mga tauhan sa dula—ayon sa salaysay ni Bitoy, ang reporter sa diyaryo na noong bata pa’y kasama sa mga bisitang inaalagaan nina Candida at Paula. Sina Candida at Paula ang dalawang nakababatang anak ni Don Lorenzo Marasigan na kapwa tumandang dalaga at nananatiling kasama ng kanilang ama sa bahay.
Isang maringal na kahapon ang pinagdaanan ng bahay na iyon; isang uri ng pamumuhay ng nakaririwasa. Ginaganap doon noon ang tertulia tuwing Biyernes; at tuwing pista ng La Naval de Manila, mainam ang tanaw ng buong kasiyahan mula sa balkonahe nito. Dinarayo sila noon ng mga kilalang tao sa lipunan, at ng mga alagad ng sining, lalo pa’t sikat na pintor si Don Lorenzo na itinuturing pang karibal ni Juan Luna. Subalit nasa ibang bansa na ang lahat ng obra ng matanda, maliban sa huli niyang likha, ang “Retrato del Artista Como Filipino” na inihandog niya sa dalawang anak na babae, bago umano ito nagtangkang magpatiwakal at nabigo. Mula noon, hindi na lumabas sa kaniyang silid ang matanda.
Dahil sa “Retrato,” muling dumagsa ang mga reporter at potograpo mula sa iba’t ibang diyaryo at magasin o pangkat ng mga mag-aaral mula sa mga pamantasan. Lalo pa itong napabantog nang may isang Pranses na ginawan ito ng artikulo at pinapurihan. May Amerikanong gustong bumili rito sa halagang $2,000 noong una, at paglaon, tumaas hanggang $10,000. Kahit ang gobyerno, sa pamamagitan ng isang dating makata bago naging senador na si Don Perico, ay ibig mag-angkin sa likhang-sining.
Subalit ayaw isuko ng magkapatid na Candida at Paula ang larawan, kung paanong ayaw nilang isuko ang tahanan na ibig nang ipagbili ng mga nakatatanda nilang kapatid, ang pamilyado nang sina Manolo at Pepang. Hindi mapaniwalaan ni Tony Javier, ang binatang nangungupahan sa kanila, na palalampasin ng magkapatid ang gayon kalaking halaga, lalo pa’t sunod-sunod ang pagdating ng bayarin (tubig, gas, doktor, ilaw), hanggang sa putulan na nga sila ng koryente. Para sa magkapatid, mas nakatatakot ang kahihiyan sa pangyayaring iyon kaysa sa mga bombang maaaring pasabugin dahil sa umuugong na bulungan ukol sa pagdating ng digmaan.
Sa kabuuan ng dula, nagtatagisan ang nosyon ng praktikalidad at desensiya bilang mga salaming ginagamit ng lipunan upang tayain ang pagharap ng mga indibidwal sa hamon ng kanilang panahong kinasasadlakan. Hindi isusuko ng magkapatid ang bahay at ang larawan kahit napilitan na nga silang tumanggap ng mangungupahan, at handa pa silang magturo ng Kastila at pagsayaw sa kung sino man, wala nga lamang tumutugon sa kanilang anunsiyo. Gaya ng ama nila na ayaw tumanggap ng pensiyon mula sa gobyerno, labis ang pagpapahalaga sa sarili ng dalawang babae, kahit “wala namang pera,” ayon kay Tony, at halos pulubing umaasa sa kalinga ng kanilang mga kapatid, na hindi rin naman lubusang nagmamalasakit sa kanila. Hindi pa naibebenta ang bahay, pinaghahatian na nina Manolo at Pepang ang mga kasangkapan sa loob ng bahay para sa kani-kanilang mga anak.
Inilalatag ni Joaquin ang tunggalian ng praktikalidad at desensiya mula sa napakasimpleng tagpo ng paglagok ni Tony ng tsokolate mula sa tasang ininuman na ni Paula, hanggang sa kasukdulan ng mga tagpo kung kailan sumama naman si Paula kay Tony sa sasakyan nito upang lumabas sapagkat “hindi siya maaaring hipuin ng lalaki sa loob ng bahay.” Sabihin pa, nagdulot iyon ng malaking alingasngas, ng tsismis na naging usap-usapan sa buong bayan. Bagaman hindi tuwirang nagbigay ng pahintulot, may basbas ni Candida ang pagsama ni Paula kay Tony, at parang ipinagbili na rin niya ang kapatid sapagkat hindi niya maamin sa sarili na sumusuko na siya sa kahingian ng praktikalidad. Subalit nagbalik si Paula na maaliwalas ang mukha at puno ng determinasyong wakasin at sunugin ang larawang ipininta para sa kanila ng ama—tupukin ito gaya ng lungsod na tinatakasan ng baguntaong pasan sa likod ang isang matanda.
Kung gayon, ang tensiyon ay nakakatha bunga ng pretensiyon ng mga tauhan, ayon na rin sa dikta ng pagkakaroon ng hati sa pagitan ng kulturang mataas at mababa—isa sa mga “trahedya ng kolonyalismo.” Kilala ito ni Tony, na nag-aaral upang maging abugado sapagkat hindi umano ituturing na pianista kailanman ang gaya niyang simpleng tagatugtog lamang ng piyano sa maliliit na bodabil. Kahit siya’y ikinahihiya umano sina Violet at Susan, ang mga kasama niyang artista ng bodabil dahil “hindi disente” ang mga ito. Tinampal ni Tony ang bibig ni Susan nang ipamukha ito sa kaniya ng babaeng bahagyang nakainom noon. Kaya naman, kahiya-hiya ang “pakikipagmabutihan” umano sa kanya ng magkapatid na Paula at Candida hindi lamang dahil sa kanilang edad, kundi dahil sa katayuan sa buhay ni Tony: “a man of the lowest type.”
Samantala, sa pagitan ng pagpapanatili ng ilang ritwal na makakaya pa nila, gaya ng pagmemerienda nga tuwing hapon, ay abala rin sina Candida sa paghuli ng mga daga sa kanilang kusina. Sa galing niyang manghuli, naisipan pa ni Candida na tumugon sa anunsiyo ng Bureau of Health and Science: 50 sentimo sa bawat mahuhuling daga. Subalit pinagtawanan lang si Candida ng mga tauhan sa gobyerno at parang siya na ang dagang hinuhuli nang habulin umano siya ng mga tao sa lansangan at kinailangan niyang tumakbo nang tumakbo.
Subalit higit kaysa kay Candida, si Tony nga mismo, sa harap ng kaniyang mga ambisyon at pagpapamukhang-kawawa sa sarili upang mapagsamantalahan ang damdamin ng ibang tao—at nahuhulog sa kaniya kahit ang mga taong “may class”—ang kumikilala sa sarili bilang hayop, at gaya ng mga daga, dati’y naglilibot umano siya sa mga lansangan, “laging marumi, laging gutom,” at nakakahanap lamang ng pagkain sa basuharan. Sa isang bahagi ng dula, ibubulalas niyang: “I’m just an animal! Animals have no feelings! It is useless to treat them with decency.” Kaya muhing-muhi siya kay Don Lorenzo dahil minsang pinasok niya sa silid ang matanda, “he threw me out all right, but very courteously, very politely.” Muli, punong-puno ng desensiya. Kaya’t matapos mabigo ang pangarap na makaangat sa buhay sa pamamagitan ng makokomisyon mula sa larawan, napagpasyahan niyang, “I’m through with struggling and trying to be good! I’m going back to where I came from—back to the gutter.” Para kay Tony, pagsuko sa mga hamon ng lipunan at sibilisasyon ay paghuhubad ng desensiya.
Sa katapusan ng dula, makikita natin ang pagbisita sa bahay ng mga Marasigan ng matatandang tila mula pa sa “libingan”—sina Doña Upeng, Don Alvaro, Don Pepe at Don Aristeo na dating isang sundalo. Naroon sila upang tanawin mula sa balkonahe ang Birhen—upang parangalan ito sa huling pagkakataon, upang lingunin ang isang matandang tradisyon. Sa kabila ng payak nilang kasuotan, dinadala pa rin nila ang kanilang sarili nang may ringal—sa kilos, sa pananalita. Nang dumating sina Manolo at Pepang at pilit silang pinaaalis, hindi sila pinakinggan ng matatanda. Imbes, patuloy ang pag-alala ng mga ito sa nakaraan, kung ano ang mga naituro nila sa mga bata noong gaya nina Manolo. At ang nakaraan, ang lungsod na papanaw na, gaya ng bahay nina Candida ang siya umanong konsensiya nina Manolo at Pepang kaya gusto nila itong wasakin; galit sila rito dahil kinatatakutan nila ito.
Bago ganap na magwakas ang dula, may pahiwatig na palabas na sa wakas ng kaniyang silid si Don Lorenzo. Subalit gaya ng isasalaysay ni Bitoy, mamamatay din ang matanda kasama ang dalawa niyang anak na sina Candida at Paula sa pagpapasabog sa Maynila dahil sa digmaan. Subalit hindi sila ganap na mamamatay, gaya ng Maynila, hangga’t mayroong mga may bokasyon “upang umalala at umawit.” Para kay Joaquin, nabubulok lamang ang daigdig na nililimot. Samantala, mabubuhay ang mga daga upang ngatngatin ang katiyakan ng ating mga desensiya at desensiya ng ating mga katiyakan, sa lungsod na hindi natin lubos na maiwan, ang lungsod na hindi na mawawalay sa atin.

ang galing ng pagsusuri