A Season of Grace

Book 2 of 125:
A Season of Grace
N.V.M. Gonzalez
(Bookmark, 1992, 239 pp.)

A Season of Grace is the first N.V.M. Gonzalez novel I read; it is a required reading in my MP 303 (Text and Context of Creative Writing) class this semester under Dr. Bienvenido Lumbera. Another revelation: my reading on the Filipino novel in English is quite deficient; the ones (in the “canon”) I remembered reading were Bienvenido Santos’s Praying Man and Edith Tiempo’s A Blade of Fern. Sadly, both of them were also required readings: Santos, in my freshman Introduction to Fiction class under Sir Alex Puente; and Tiempo, in one of my creative writing classes under Dr. Lilia Quindoza-Santiago. The only Filipino novelists in English I remember I enjoyed reading on my own are Eric Gamalinda (My Sad Republic and Planet Waves) and Bino Realuyo (Umbrella Country); Gamalinda’s The Empire of Memory has been on my to-read list for the longest time. More recently, I also read Dean Francis Alfar’s Salamanca for a Tapat session.

Now we were required to write a short “biographical context” paper on the A Season of Grace; I read the paper on our January 5 class meeting. Here’s what I wrote (in Filipino, naturally):

A N G   N O B E L A   B I L A N G   T A L A T I N I G A N :
SI GONZALEZ, ANG GUTOM AT ANG A SEASON OF GRACE

“What I cannot say in the stories I said in the glossary. Unfortunately, some think the glossary was purely for foreign consumption. … [The glossary was necessary for] the one looking for his roots.” 
 -N.V.M. Gonzalez, 1980 interview 

PARA SA ISANG TAO na naghahanap sa kaniyang mga ugat, mahalaga ang pagbabalik sa sityo ng kabataan: sa lunan na nagpakilala sa kaniya kung paano mabuhay, kung ano ang ibig sabihin ng pamumuhay. Huwag magkakamali: hindi laging iisa ang sityo ng kabataan at ang lupang sinilangan. Ipinanganak si Nestor Vicente Madali (NVM) Gonzalez sa Romblon sa pista ng pagsisilang kay Maria noong 1915. Anak siya ng isang guro at isang tagapangasiwa ng paaralan. Subalit noong limang taon pa lamang si NVM, lumipat ang pamilya nila sa isla ng Mindoro at doon na siya lumaki. Sa isla na na rin siya nag-aral hanggang high school (Mindoro High School), bago niya ito iniwan para magkolehiyo sa Maynila.

Maaari nating sabihin na ang pagsusulat ay isang pagtatangkang hagilapin ang pinag-ugatan ng manunulat. Sa isang nobela, halimbawa, muling iminamapa ng mga salita ang sityo ng kabataan ng manunulat, sa bisa ng alaala at imahinasyon. Ganito ang bisa ng A Season of Grace (1954), ang ikalawang nobela ni NVM Gonzalez na nakalunan sa Sipolog at tungkol sa pamumuhay ng mga kaingero. Alalahanin na pagkatapos ng digmaan, isa sa mga naging resettlement area ang Mindoro.

Sa simula ng nobela, tinanong ng batang si Clara si Sabel, ang asawa ni Doro: “At bakit tayo palipat-lipat ng lugar?” Ang isinagot ni Sabel na noo’y nagdadalantao para sa kasunod ng panganay nilang si Eloy: “Dahil hindi tayo masaya kung nasaan man tayo.” Ito marahil ang unang matinding realisasyon sa murang kamalayan ni Gonzalez kung bakit hindi sila maaaring manatili sa Romblon, at paglaon, kahit sa Mindoro. Kaya naman, lagalag ang mga tauhan sa kaniyang nobela. Mahalagang binitiwan ang tanong na ito ni Clara, na isang pilantod: Walang kinikilalang karamdaman ang paghahangad ng kasiyahan.

Kaya naman, dalawa ang mukha ng pag-akda ni Gonzalez sa A Season of Grace. Sa isang banda, isa nga itong pagtatangka sa paghahagilap ng mga ugat—ang mga ugat na iniwan, ang mga kinailangang iwan. Subalit kasabay noon, tinatangka rin nitong pag-isipan at unawain ang kondisyon ng mismong hindi pananatili sa iisang lugar. Ano’ng sinasabi nito sa atin, tayong noon pa binibigyan ng babala: “Ang lumakad nang matulin/ Kung matinik ay malalim.” Bakit hindi tayo mapanatag, bakit halos imposible ang ganap na pananahananan?

Sa nobela, nagmula sa isla ng Tara-Poro na kahugis umano ng kamote, “kung masasabi mang may tiyak na hugis ang kamote,” ang mag-asawang Doro at Sabel. Mula sa dating sinasaka, lumipat sila sa Alag at magpapalipat-lipat sa Bangkanan, Bondoc, Payao at Ibayo, depende sa panahon, at sa mga kondisyon ng mga bago nilang amo, ang rajero na si Epe Ruda at ang asawa nitong si Tiaga.

Hindi tayo masaya kung nasaan man tayo. Kaya gaya ng popular nating awiting-bayan, ang “amin” ay laging naroon, doon sa kung saan wala na tayo. Napakapayak ng ubod ng kalungkutan ng mga tao sa nobela, na nagtutulak sa kanila upang gawin o hindi gawin ang ilang bagay: Gutom. Ayon sa paalala ni Tata Pablo kay Sabel, isang bagay lamang ang gutom, subalit maaaring bukal ng maraming bagay kaya’t kailangang iwasan.

Ang maya’t mayang paglisan kung gayon ay isa palang pagtatangkang iwasan, takasan ang gutom, iligaw ito, makalayo mula rito, magkasugat-sugat man ang talampakan. Subalit sa bawat pansamantalang pananatili, nakikita nila ang gutom sa paligid, nakamasid, nakamulagat sa kanila, at laging nakahandang manakmal: nag-iiwan ng pangamba gaya ng kaluskos ng mga baboy-damo at daga sa palayan na malapit na sanang anihin.

Simple ang araw-araw nilang pangangailangan: “bigas, sabon, posporo, asin, gaas.” Subalit walang-wala sina Doro at Sabel; sa bahay nila: “There wasn’t a thing inside—not a thing that anyone could take away. It was a thought that gave him [Doro] peace.” Kay bagsik ng prekondisyon ng kapanatagan: kawalan. Sapagkat ano pa nga ang maaaring humalili rito maliban sa pagkakaroon? Nakakapit kung gayon ang bawat kapayapaan sa pag-asa; sa kaso nina Sabel, pag-asang may makakain na sila sa hinaharap.

Iminungkahi ni Roger J. Bresnahan na isang pormalista sa antas ng tema si N.V.M. Gonzalez. Mahalaga lamang umano kay Gonzalez ang banghay para sa kapakanan ng pag-unawa sa tema. Samantala, nasa sentro ang tema para sa higit na pag-unawa sa kahulugan ng pagiging tao. Kaya naman, masasabing ang mga akda ni Gonzalez ay pagsisiyasat sa mga problematikong iniluluwal ng mga konseptong kumokondisyon sa pagka-tao. Sa A Season of Grace, gutom nga ito. Ano nga ba ang saysay ng “isang panahon ng biyaya” kung walang gutom?

Para kay Gonzalez, makikilala lamang ang bangis ng gutom kung itatapat ito sa kalikasan—sa paligid na kailangang unawain ng tao upang magawang sakupin at supilin ang sarili niyang mga pangangailangan. Kaya naman, halos talatinigan ang masinop na dokumentasyon ng paligid sa buong nobela, na bagaman nakasulat sa Ingles ay nakakakapit sa kaligirang Tagalog at Bisaya. Hindi malimutan ni Isagani Cruz ang sinabi ni Gonzalez noon sa isang panayam sa California: “Nagsusulat ako sa Tagalog, gamit ang mga salitang Ingles.” Subalit nagsulat din talaga sa Tagalog si Gonzalez noong digmaan (“Lunsod, Nayon at Dagat-dagatan”), at maaaring nitong mga huling taon bago siya pumanaw noong 1999. Gayumpaman, ipinaalala ni Gonzalez na: “In the best novels the language ‘disappears.’ What the reader gets are characters and the events that involve them.”

Si Gonzalez na nagtatangkang magbalik sa sityo ng kaniyang kabataan ay umaakay din sa atin upang hagilapin ang sarili natin, ang sarili nating mga ugat, sa pamamagitan nga ng nobela bilang talatinigan. Kaya naman, naglipana ang mga larawan ng halaman, hayop, mga anyong-lupa at anyong-tubig sa akda. Bugtong at salawikain ang buong paligid na kailangang kilalanin at paghugutan ng mga batas ng buhay. Kalikasan ang binabata: bata pa’y nakilala na siguro ito ni Gonzalez sa pagkahubog ng isip niya sa isang isla, malapit sa dagat at bundok. Kaya’t paano niya makakaligtaan ang mga nilalang na patuloy na nananahan sa kaniyang alaala?

Iba’t iba ang pagpailanlang ng sabukot, loro, kuwago, oriyol, uwak, kalapati, lawin at maya sa umaga at gabi. Maaaring alagaan ang kalabaw, baka, aso, inahin, at mus-an; pero paano isusumpa ang pananalanta ng balang, baboy-damo, buwaya, ahas, lamok, gagamba, butiki, at daga (ang mga “mabait”)? Kung walang sariwang isda at palay, gaya ng madalas mangyari, makabubusog pansamantala ang tulya, talaba, alimango, kabuti, kasuy, dilis; maaari ring panawid-gutom ang pakô, buyo, nganga, pakil, kamatis. Samantala’y nakamasid sa paligid ang hinagdong, saging, bakawan, sampalok, akasya, lauan, tabig, tangal, dita, abaka, piyapi, bayabas, talisay, ilang-ilang, buri, pandan, aroma, kugon, lagac-lagac, dao—mga halaman at punong punong-puno ng pananalig sa mga ugat nilang kinakapitan.

Sa katapusan ng nobela, ibubunyag sa atin na may pagmamay-ari palang Almanaque Panayana si Nay Rosa, ang asawa ni Tata Pablo, na paminsan-minsa’y sinasangguni nila upang sagutin ang iba’t ibang tanong ukol sa kalikasan at pananalig. May ganito kayang layon si Gonzalez sa nobela bilang isa ring almanake na magtatala sa kalendaryo ng mga araw sa isang taon—kaya maya’t maya ang paalala sa bawat pagpapalit ng buwan: na ganito ang panahon kapag Enero, Marso, Mayo, Setyembre? Na ang kalikasan, sa bandang huli ay naitatala, naisasaaklat?

Sa gitna nito, nariyan ang pagtutumba sa mga puno, ang pagsunog sa mga halaman, ang pagsasaapoy at abo ng kalikasan. Bago nga makapagtanim, nagkakaingin sina Doro. Sa isang panayam, sinabi ni Gonzalez na: “… the kaingin remains an institution that has survived the last war and a couple of hundred years before that. There is no reason to forget it. It’s there, and it’s both a literal fact and a symbolic fact. … you will notice that none of my stories extols the kaingin. The stories simply project the fact that human beings work it. It’s a source of their very nourishment, both as individuals and as people living a culture. So if in our time one would think that the kaingins are ecologically unsound, that doesn’t mean that its relevance as a form, as an institution for survival, has disappeared. In short, we have all sorts of kaingins, even in a city context.”

Bilang pangwakas, masasabing nasa nobela rin ang alaala ng mga salita, ang alaala bilang salita. Narito ang isa pang ibig sabihin ng pagiging talatinigan ng nobela: nakatala rito ang tinig ng mga tao na sinubukang sapulin ni Gonzalez, balintunang sa pamamagitan ng ibang wika. Kung kanina’y alaala ng kaniyang paningin ang mga bagay sa kalikasan, narito ang alaala ng kaniyang pandinig.

Hindi isinuko ni Gonzalez ang humor—ang katangian ng pagiging katawa-tawa at ang mismong lagay ng isip—ng mga tao nang hindi inihuhulog ang mga ito sa romantisasyon. Sinapol niya ang proseso ng pagkukuwento ng bayan na salit-salitan, salo-salo, saluhan, patong-patong, patse-patse. May magmumungkahi kung paano itutuloy, may manghihikayat kung ano ang detalyeng isusunod. Alam na nila ang kuwento. Gusto lamang nila itong marinig muli. At tayong mambabasa ni Gonzalez, ipinagpapalagay marahil niyang alam na rin ang kuwentong ito, na alam na dapat ang kuwentong ito. Kailangan lamang nating marinig muli.

~ by ecsamar on January 7, 2008.

One Response to “A Season of Grace”

  1. gagamitin ko sana tong blogpost/review mo para sa reporting ko sa class ko. tungkol sa Philippine lit..ayos lang ba? salamat [:

Leave a Reply