Tapat Report #3
Kahapon, nasa Station Grill na sina Bek & Utoy pagdating ko roon nang pasado alas-4 nh. Maya-maya, dumating na rin si Ley. Tinanong ko sila kung may marunong sa kanila ng iba pang wika sa Pilipinas, at marunong daw si Ley ng Kapampangan, pero hindi nga lang niya maalala kung ano ang “balikat” na siya ko pa namang unang itinanong. Ha ha.
Mag-aalas-5 na nang dumating sina Chan & Maki, na pareho pa namang nakatakdang mag-ulat para sa Ang Sandali ng mga Mata. Ipinambungad agad nila sa akin na pag-usapan muna namin ang ilang naging usapin ukol sa post ko kaugnay ng reaksiyon ni Makoy sa pagkapanalo ni Twinkle sa Maningning Miclat. Halos inulit ko lang (at pinalawig, siyempre) ang nasabi ko na: ang pananaw ukol sa pananakit sa iba, at kung ano lamang ang ibig sabihin ng kontes para sa akin. Ikinuwento ko rin sa kanila ang ilang developments ukol sa isyu. (Ngayon ko na lang nakita na may mas bagong development pa rito na sana nama’y hindi mauwi sa pagsisisihan ng mas marami.)
Sinisimulan na namang talakayin nina Chan & Maki ang Ang Sandali nang dumating si Jason. Umaapaw pa rin ang tubig sa ilog ng Marikina na tanaw namin mula sa posisyon sa Station Grill. Nagsimula nang buksan ang mga ilaw sa poste. Naki-tag team na ako sa pagtalakay sa nobela ni Vim, at ang istruktura ng pagtalakay ay kung paano ko rin ito tinatalakay ngayon sa mga klase ko sa Fil 11 & Fil 14. (At hindi ko iyon uulitin dito ngayon.)
Nakatutuwang nagdala na ng kuwento nila para magpa-workshop sina Chan at Maki. Talagang nilubos na ang pagsasalang ng sarili. Kay Chan: “Liham sa Punong Mangga.” Kay Maki: “Ang Alamat ng (mga) Kuwentista sa mga Kuko ng Maynila.” Tumutugtog na ang banda noon sa Station Grill. As usual, pop rock. Ngunit mas may character ngayon ang boses ng singer kaysa noong isang linggo.
Matapos basahin ang mga kuwento, kinailangan namang magpaalam na nina Bek, Utoy at Ley; mag-aalas-9 na noon. Hindi na sila nakasama sa talakayan at sinabi ko na lamang na kailangan nilang magbigay ng puna ukol sa 2 kuwento sa susunod na linggo.
Natuwa ako nang personal sa mga kuwento. Hindi ako nagkamali sa mga “batang” ito. May kakaibang talas sa paghawak sa wika at sa pagkukuwento. Sinabi ko sa kanila na mga ganoong uri ng kuwento ang pipiliin kong basahin; bagaman pinaalalahanan na sa bandang huli’y hindi opinyon ko ang pinakamahalaga. Kapag nabasa ko na ang rebisyon (at sobrang minor ang rebisyong inaasahan ko) ng mga kuwento, gagawa ako ng pagbasa rito sa Atisan. At kung mamarapatin nila, handa akong isama iyon sa unang antolohiya na mabubuo mula sa Tapat.
Marami pang ibang napag-usapan, siyempre, pero hindi na lahat ng iyon para rito. Pasado alas-11:30 na ng gabi kami umalis sa Station Grill. Sa susunod na Sabado, nagmungkahi (basahin: napilitan) si Jason na mamuno sa pagtalakay sa Salamanca ni Dean Francis Alfar. Kitakits ulit.

kuya egay, na-miss ka namin sa days. parang iba pag wala ka. miss na kita ^_^
Yang “Ang Alamat ng (mga) Kuwentista sa mga Kuko ng Maynila” ang kuwentong pinasa ni Maki para sa klase namin sa Malikhaing Pagsulat. Mahihirap at mabibigat na mga kuwento ang pinasa nila nina Chan sa klase namin.
Bim! Oo nga, pasensiya na kayo kung di ako nakapunta sa Days. Hindi ko talaga kaya dahil marami akong inaasikaso rito. Akala ko kasi nung huli kaming mag-usap ni Kuya Budz e after October 28 pa. Yun. Sayang. Pero masaya ako na successful.
Mitch, kung magsisipag ang dalawang ito (Maki & Chan) at hindi magsasawa at mapapagod, magiging mahalaga silang ambag sa panitikan natin. At hindi ka ba interesadong makipag-Tapat-an sa amin?
sige, tingnan ko kung makadadalaw ako ngayong sabado. kaya nga lang hindi ako masyadong pamilyar sa marikina at di ko alam saan kayo nagmi-meet.
Sa loob ng Station Grill, katabi ng Taverna Marquina sa Riverbanks. 4PM naroon na ako, at wala pang entrance fee ng ganoong oras, at dahil wala pang tumutugtog na banda, mas nakapag-uusap nang maayos.
[...] ako nakadalo sa Days noong nagdaang linggo, heto ang ilan sa mga na-miss ko. At miss na miss ko na (rin!) talaga [...]
Mula sa Days « Ilang Tala Mula sa Atisan said this on October 2, 2007 at 4:46 pm |
nagmungkahi (basahin: pinilit) na pamunuan ang pagbasa sa Salamanca. hehe. nabigla lang po ako. Hindi ko lang po alam na everyweek pala may novel kaming ididiscuss. Wala rin pong maalalang tagalog title kaya salamanca nasabi ko. hehe. lahat may pagkaspeculative tinatalakay natin ah!
Well, sa Sabado na ito ha ha. Nagkataon lang na dalawang linggo e magkasunod na nobela ang binasa natin.