Pagbati Kay Twinkle

Nang binanggit ko ang finalists para sa Maningning Miclat halos dalawang linggo na ang nakakaraan, alam ko nang si Twinkle ang mananalo—pero kailangan kong magpigil siyempre, dahil kagabi lamang ginawa ang announcement. Pero hindi rin ako nakapagpigil, siyempre. Noong Sabado, sinabi ko ito kay Jason, dahil binibiro siya ni Ali tungkol kay Twinkle (ooops!) at nagbigay na lang ako ng babala na huwag na huwag niyang ipagsasabi hangga’t hindi pa dumarating ang September 26.

Si Twinkle ang isa sa pinarangalan namin ng Loyola Schools Awards for the Arts para sa kaniyang mga Tula.

 

At ako nga ang nagsulat at nagbasa ng citation para kay Twinkle. Narito ang sinabi ko noon tungkol sa kaniyang pagtula:

Natatangi ang pagtula ni Erica Clariz C. De Los Reyes sa pagiging babae, bilang babae, dahil hinaharap at sinusuri niya ang moralismo na naihahatid at napatatatag sa pamamagitan ng iba’t ibang produksiyon ng salita—tulad ng “pagtuturo” at “sermon,” na ipinapataw mula sa bahay (ng mga ina) hanggang sa paaralan (ng mga madre). Dahil dito, naiiwasan ni De Los Reyes ang romantisasyon sa kasarian, sapagkat malinaw na ang mga babae’y biktima, subalit salarin din. Na habang may babaeng yumayanig sa konstruksiyon sa kaniya ng kasaysayan, may babaeng nakikibahagi sa pagpapatuloy ng konstruksiyong iyon.

Kay De Los Reyes, iminumungkahi rin na ang mismong moralismo ang kumakatha ng erotisismo: nagiging higit sa karaniwan ang anumang kalikasan ng katawan sapagkat may moralistikong kamalayan na nagmamatyag. Mahalagang pansinin ang mga nakahilig na salita sa mga tula ni De Los Reyes. Kadalasan, ito’y salita ng Ina, ang ina na nagpapakilala ng pagkababae kaya’t ito ang nasa ilalim ng kaniyang pagsisiyasat. Ito ang mismong problematiko, ang nagtutulak sa pagmumuni-muni, ang binabalik-balikan. Ito ang binubuno ng isipang babae ng kaniyang mga personang magkasabay na umuunawa at nag-aalinlangan, sa pamamagitan din ng sarili niyang pakikilahok sa produksiyon ng salita sa tula.

~ by ecsamar on September 27, 2007.

One Response to “Pagbati Kay Twinkle”

  1. [...] nakatanggap ako ng text kay Mark na humihingi ng pasintabi dahil “binash” niya umano si Twinkle, na kahapon lang ay binati ko sa pagkapanalo sa Maningning. Dahil nga nasa labas na kami (at uminom pa ng konti sa Cantina), hindi na ako nakapag-internet [...]

Leave a Reply